Paghaya
Ibinigay na't inihain ang kailangan; isinampal na sa sarili ang katotohanan – pero ang ilap pa rin ng sarili sa sarili!
Naaalala ko pa ang dalawang beses na nagpumiglas.
Palaging nagiging miserable tuwing binibigyan ng atensyon dahil ang paniniwala'y taliwas.
'Di makapanig sa iisa. Nabibingi.
Pinipilit na lang takpan ang tainga't hinahayaang tumugtog nang 'di pinapansin.
'Di kalauna'y mistulang naging parte na lang ng permanenteng musikong pumapaulit-ulit kahit nakakarindi.
Ngayon, pinagbigyang muli.
Sinubukang bigyan ng pansin ang bawat notang kabisadong-kabisado na't pinagpipilitang intindihin kung paano nagsasabay ang magkaiba.
Pero wala – kailangan lang talagang tanggapin.
Ganito na ang ritmo't mabibigyan lang ng tugma kung hahayaan na maging –
Pero 'di papalipasin ang pagiging.
Nais na maglawa ng mga matang nagsusumamo na palaging maging ganito –
May malawak na pang-intindi at kayang makita ang ganda sa mistulang 'di mapagtagpo.
Pindutin ang maganda kong larawan sa ibaba para makabalik sa pangunahing pahina. *Pasensiya na, nautusan ka pa.*