Sa Ngayon
Ipikit ko lang daw ang mga mata ko. ‘Pag binuksan ko ulit, magiging akin na ang gusto.
Bansagan mang tanga’t uto-uto, sinusunod ko dahil desperado.
Nandito ako sa lugar na tahimik (walang epal) para tumanod sa kamalayan na nandito lang; walang dapat ipagkabahala – kumportable lang sa pag-upo, pero deretso ang likod at 'di sumusuroy ang tingin para 'di antukin. Wala raw dapat problemahin.
Masarap pakinggan ang atas na tumulala, ngunit tumataliwas ang katawang nagpupumiglas makatakas. Matagal nang pinapangarap na mabura ang lahat ng gawain; ngayo'y sadyang naghihimagsik nang kusa ang sarili dahil ibiniyaya ito bilang utos. Egoismo? Tunay na kakatwa: masayang pangarapin na walang dapat gawin, pero kapag ipinagkaloob ay mahirap sundin. Namimilipit ang paa. Nakikiliti ang sikmura. Kumakawala ang puso.
Nang isinara ko nang tuluyan ang aking mga mata, mas naging 'di mapakali. Gayunpaman, sinusunod na hayaan lang ang lahat ng naiisip, nagmamasid lang sa limang pandama, at nagmamatyag lang sa mga 'di kaaya-ayang nararamdaman. Sa ganitong siste, hindi umuubra ang nakapinid na tainga sa dumadaldal na utak.
Bakit ang daming nangyayari sa simpleng pagpikit? Matindi ang pagtili ng mga alaala at pagpapansin ng mga emosyon. Tunay na balintuna: mas umiingay kapag mas tahimik. Akala'y antok ang magiging kalaban sa hamon, ngunit sa pagpapa-ubaya bumabagsak. Paano magpapalaya kung walang kontrol sa lahat ng tumatambad? Maaari bang pakawalan ang hindi kayang pigilan?
Ang atensiyon kanina ay nasa bisekletang kailangang ayusin. 'Di ko lubos maisip kung paano napunta sa alak na gustong inumin. 'Di kalauna'y sa kung anong oras dapat magising bukas; sa orihen ng Homo Sapiens; sa mga kina-iinisang tao na maharot pa kaysa sa mga unggoy; sa sugat na mahapdi; sa pag-tilapon ko sa kalsada noong nakaraang buwan; sa unang talumpati kong pinalakpakan; sa darating na sahod ngayong Disyembre; sa isang pusang gala na panay sunod sa akin; sa kilig na naramdaman sa hinahangaan; sa mga bansang gustong mapuntahan; sa magiging kahihinatnan ng Pilipinas 'pag natapos na ang pandemya; atbp.
Sobrang daming nararating ng utak sa mahigit-kumulang na pitong minuto. Saan nanggagaling ang lahat ng ito? 'Di ko naman ipinagpilitang pumasok sila sa aking kukote. Kusang dumating.
Isang pangarap na maging kuntento at mapalagay sa walang kasiguraduhan, pero nahihirapan akong makita ang silbi ng simpleng pananahimik at pagpikit.
Itinuturo sa akin na manood lang at 'wag manghusga; na magpahinga at 'wag kumilos. Ang pakiramdam ay binibitag na tumigil sa pag-unlad. Ang pagpapalaya ay mistulang pagwawalang-bahala sa lahat ng naiisip at nararamdaman.
Sa pagtangka namang habulin ang bawat anak ng utak, wala ring nararating. Lumalayo sa bawat pagkapit: dagling nagbabago at nawawala. Maaaring may saya sa pagtuklas sa orihen ng Homo Sapiens sa kasalukuyan, pero maya-maya'y matatabunan ng katamaran ang kuryosidad. Mas nagdurusa sa pagbibigay ng pantay-pantay na atensyon sa lahat ng ingay. Hindi sila ako.
Marahil ang ako ay siyang nanonood lang: ang kamalayan na hindi galit sa nararamdamang galit; hindi pikon sa nararamdamang pikon; at hindi naiirita sa nararamdamang inis. Walang kinikilingan. Walang pinapanigan. Hindi idinidikit ang pagkatao sa emosyong patuloy na nagbabago.
Marahil ang ako ay siyang tunay na may kalinga: ang kamalayan na hindi tumitigil sa paghinto; hindi nagpapabaya sa pagpapahinga; at hindi tulog sa pagpikit. Walang isinasawalang-bahala. Walang tinatakasan. Hindi idinidikit ang pagkatao sa palagiang agarang pagkilos.
Sa ngayon, tinatanggap ang lahat ng pumapasok sa kukote kahit hindi sa akin.
Sa ngayon, hinahayaan ang lahat ng 'di mapigilan dahil hindi sila ako.
Sa ngayon, 'di pinipigilan ang 'di mahayaan dahil narito ang gusto:
Nasa ngayon.
Pindutin ang maganda kong larawan sa ibaba para makabalik sa pangunahing pahina. *Pasensiya na, nautusan ka pa.*